DAVAO CITY – Magsisimula na sa pag-export ng durian ang Davao City sa bansang China nagyong buwan ng Marso.
Ayon kay Department of Agriculture XI Regional Executive Director Abel James Monteagudo, nagsimula na ang monitoring para sa unang shipment ng durian na ipapadala sa China ngayong Marso sa pamamagiatn ng High-Value Commercial Crops Program kasama ang Agribusiness and Marketing Assistance Division ng ahensya.
Dagdag pa ni Ana Abejuela, Agriculture Counsellor ng DA 11 na importanteng masiguro ang mataas na kalidad ng durian dahil kritikal ito para sa susunod na shipments na dadalhin sa Chinese market.
Unang binisita ng DA XI ang isang durian farm sa syudad upang i-monitor ang estado ng paghahanda ng durian farms accreditations upang masigurong maganda ang kalidad ng produkto pagdating sa China.
Napag-alamang nasa 7,500 metric tons ng durian ang inisyal na ipapadala sa China ngayong buwan ng Marso kung saan manggagaling ito sa 59 mga magsasaka o producer ng durian.
Ang itinakdang exportation ng Durian ay resulta ng naging state visit ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa China noong Enero kung saan napagkasundoan na makakapag-export ang Pilipinas ng mas maraming prutas papunta sa Beijing.
Ikinatuwa rin ito ng Davao Durian Industry Association kung saan sinabi ng asosasyon na matagal na silang naghintay sa pagkakataong ito at handa silang tugunan ang demand ng durian sa China.
Sa kabilang banda sinabi ni Joseline Rehuso, Durian Vendor, na malaking advantage alang sa mga durian farmers na mag-export na Durian sa China dahil sa ganoon ay hindi sila malulugi. At kahit naman mag-export ng Durian ang Davao City, hindi umano ito mauubusan dahil napag-alaman na sa kabuuang produksyon ng durian sa Pilipinas, 78 percent nito ay nagmumula sa Davao region.