DAVAO CITY – Nananatiling may pinakamataas na kaso ng HIV o human immunodeficiency virus sa buong Davao Region ang Davao City para sa same sex partners, ayon sa pinakahuling ulat ng Family Planning Organization of the Philippines-Davao.
Ayon sa tagapagsalita ng tanggapan na si Herminigilda Escalante, kadalasang naging biktima nito ay ang mga kalalakihan na nasa “productive age” mula dalawamput lima hanggang tatlumput limang taong gulang na nasasangkot sa MSM.
Umabot sa 1,096 na kaso mula 25 hanggang 35 taong gulang ang naitala sa Davao Region, na sinundan ng 15 hanggang 24 taong gulang na nagpositibo sa HIV.
Sinabi ni Escalante na isa sa nakikita nilang dahilan kung bakit napakaraming kaso ng MSM ay ang prostitusyon sa pagbebenta ng katawan ng mga kalalakihan.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 16,000 na mga pasyenteng may HIV mula Davao region ang sumailalim sa screening, testing, diagnosis, at treatment. Lubhang malayo ito sa inaasahang 19,000 na target ng naturang tanggapan.
Ngunit sisikapin nila na maabot ang agwat na aabot sa nasa 3,000 na mga HIV patients na dapat isailalim sa screening at testing.
Sa katunayan, sa darating na Linggo, Mayo 21, ay gugunitain ang International AIDS Candlelight Memorial kung saan kabilang dito ay
ang pag-alala sa mga binawian ng buhay dahil sa AIDS o Acquired Immuno Deficiency Syndrome at pagbibigay respeto din sa mga taong nagbuwis ng buhay para makatulong sa mga naapektuhan ng nakamamatay na sakit.
Isasagawa sa Marfori Park, nitong lungsod ang naturang pagtitipon na pangungunahan ng FPOP at Alliance Against AIDS sa Mindanao.
Dagdag pa rito, paiigtingin pa nila ang kanilang classroom-based HIV 101 prevention campaign sa 10 pangunahing paaralan sa Davao Region kung saan tinututukan nila ang limang paaralan sa lungsod, kabilang ang Daniel R. Aguinaldo National High School, Davao City High School, Sta. Ana National High School, Bangoy National High School, at F. Bustamante National High School.