-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagpatupad na ngayon ang lokal na pamahalaan ng probensiya ng Davao Occidental ng enhanced quarantine checkpoint.

Ito ay kahit hindi pa man naitala ang kahit isang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa naturang probinsiya.

Batay sa inilabas na Executive Order ni Davao Occidental Governor Claude Bautista, nagkabisa ang enhanced quarantine checkpoint sa alas-12:00 ng umaga ng Abril 1 hanggang April 14, 2020.

Ibig sabihin umano nito, magkakaroon na ng 24 hours na curfew ang buong Davao Occidental kung saan bawal nang lumabas ng bahay maliban lamang kung bibili ng gamot at pagkain, pero isang miyembro lamang ang pinahihintulutan.

Sa kabila nito nilinaw naman ni Gov Bautista na bukas naman ang mga botika, gasoline station, funeral homes, bangko, water refilling stations, power at water companies, dealers at suppliers ng mga agricultural products, grocery stores, convenience stores, fruit stands, palingke at mga ospital.

Bawal na rin umanong bumiyahe ang lahat ng pampasaherong sasakyan gaya ng habal-habal, tricycle, traysikad, maliban lamang sa mga pribadong mga sasakyan at mga motorsiklo na bibili ng mga pagkain at gamot.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health-11, naitala na ang 59 confirmed COVID-19 cases, kung saan 47 sa Davao city, anim sa Davao del Norte, isa sa Davao de Oro, tatlo sa Davao Oriental, dalawa sa Davao del Sur, at zero sa Davao Occidental.

Samantala pito na ang naka-recover at walo naman ang namatay.