DAVAO CITY – Nakapagtala na ng pinakaunang kaso ng Covid-19 ang probinsya ng Davao Occidental.
Ito mismo ang kinumpirma ni Gov. Claude Bautista nitong Martes ng hapon.
Ibinunyag ng gobernador na ang naturang biktima ay isang 65 anyos na babae na galing sa lungsod ng Malita, Davao Occidental kung saan una na itong may iniindang sakit na hypertension at sakit sa puso.
Nabawian ng buhay ang nasabing biktima kaninang madaling araw lamang sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) kung saan napag-alamang apat na araw na itong naka-confine.
Napag-alaman rin na walang travel history ang namatay na pasyente at patuloy pa ring inaalam ng otoridad kung saan posibleng nakuha ng biktima ang virus.
Dagdag pa ni Gov. Bautista na dinala pa ang nasabing pasyente sa ospital noong Mayo 1 ngunit nabawian ito ng buhay nitong Martes ng madaling araw.
Agad na isinailalim naman sa lockdown ang barangay kung saan nakatira ang nagpositibong biktima sa COVID-19 at nakatakda rin ang pagsasagawa ng rapid mass testing sa mga residente sa lugar.
Gayunpaman, tiniyak ng ni Gov. Bautista na tutulungan ng lokal na pamahalaan ang sinumang magpositibo sa coronavirus disease sa kanilang probinsya.