-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pumanaw na ang gobernador ng lalawigan ng Davao Oriental na si Corazon Malanayaon.

Ito ay malungkot na kinumpirma ni Vice Governor Niño Sotero Uy sa naging anunsyo kagabi.

Sumakabilang-buhay ang gobernador bandang alas-3:50 ng hapon noong Miyerkules, Hunyo 28.

Una itong kinumpirma ng kanyang anak na si Michelle Malanyaon – Centeno alas-6:59 ng gabi.

Labis na nagluksa ang buong lokal na pamahalaan ng Davao Oriental ang hindi napapanahong pag-alis ng gobernador.

Inilarawan ni Vice Governor Uy ang opisyal na may espesyal na puwang sa puso ng mga taga-probinsya dahil sa kanyang walang sawa at tapat na paglilingkod.

Hinihiling ng lokal na pamahalaan ang lahat na mag-alay ng panalangin maging ang privacy para sa naiwang pamilya ni Governor Cora na nahaharap sa pinakamalungkot na sandali ng kanilang pagluluksa.

Hindi pa matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng gobernador, ngunit napag-alaman na mayroon itong iniindang karamdaman.

Naging gobernador ng Davao Oriental si Malanyaon sa loob ng tatlong termino mula 2007 hanggang 2016, hanggang sa kanyang huling panunungkulan mula pa noong nakaraang taon.

Pumanaw si Governor Cora sa edad na 73 at nakatakdang ipagdiwang ang kanyang kaarawan ngayong Agosto.