DAVAO CITY – Nilinaw ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Davao Region na sapat pa rin ang produksyon ng isda sa rehiyon kahit na taun-taon ay may fishing ban sa maliliit na isda sa Davao Gulf mula Hunyo hanggang Agosto.
Ayon pa kay Raul Millena, Bfar-Davao regional director, unang ipinatupad ang fishing ban noong 2014 kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng bagnet, fishnet, at iba pang katulad na kagamitan sa pangingisda sa loob ng tatlong buwan mula Hunyo hanggang Agosto bawat taon.
Ibinunyag rin ng regional director na ang mga umiiral na hatchery at ilang mari-cultures ay maaaring mag-back up sa produksyon ng isda sa rehiyon mula sa 14 na hatcheries at 3,000 fish cages.
Sa kasalukuyan, nasa 1.5 hanggang 2 porsiyento lamang ang inaangkat ng Davao Region sa kabuuang fish production.