DAVAO CITY – Tumaas ang bilang ng mga pamilyang inilikas sa probinsya ng Davao de Oro, lulan ng mga pag-ulan at pagbaha dahil sa epekto ng low pressure area.
Sa datos ng Davao de Oro Provincial Information Office, mahigit 12 libong pamilya at mahigit 43 libong indibidwal ang apektado ng baha sa 11 munisipalidad ng lalawigan.
Tinatayang umabot sa 8,000 pamilya ang nailikas at namalagi sa mga evacuation center.
Tiniyak naman ni Provincial Information Officer Fe Maestre na nagpapatuloy ang relief operations ng lokal na pamahalaan para sa mga apektadong residente.
Maraming barangay sa lalawigan ang kasalukuyang binabaha habang naitatala naman ang 92 insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nakipag-coordinate din ang PDRRMO para sa inilunsad na clearing operations sa maraming kalsada na natabunan ng lupa mula sa nangyayaring landslides.
Naiulat din ang pinsala sa imprastraktura ng lalawigan kasabay ng pagbaha kung saan isa sa 74 na naitalang insidente ang nabitak na ilang bahagi ng national road sa KM. 74, Barangay Sawangan, sa Mawab.
Nagluksa ang lokal na pamahalaan sa pagkamatay ng limang indibidwal sa magkahiwalay na landslide na naganap sa Maragusan at New Bataan.
Pinaalalahanan pa rin ang mga mamamayan na sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, lalo pa’t patuloy pa rin ang pag-ulan na nararanasan sa buong lalawigan dahil sa epekto ng low pressure area.
Nakatuon din ang Office of the Civil Defense 11 sa pangkalahatang kalagayan ng mga lugar sa rehiyon sa panahon ng pagbaha.
Sa pinakahuling inisyal na datos mula sa Office of the Civil Defense XI, naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa ang 7 barangay sa Davao de Oro at 8 barangay sa Davao Oriental kabilang ang Davao City.
Ayon pa sa ahensya, ang mga apektadong barangay sa Davao de Oro ay kinabibilangan ng Compostela, Monkayo, New Bataan, Maragusan, Montevista, Nabunturan, at Pantukan, habang sa Davao Oriental naman ay kinabibilangan ng Cateel, Caraga, Boston, Governor Generoso at Mati City.