Sinibak sa pwesto ang Davao Region Police Director na si PBGen. Aligre Martinez epektibo ngayong araw, Hunyo 14.
Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 11 spokesperson Major Catherine Dela Rey bagamat hindi na ito nagbigay ng karagdagan pang dahilan sa pagkakasibak ni Martinez.
Aniya, maging sila ay nagulat din sa naturang pangyayari.
Ang pagkakasibak naman sa pwesto ni Martinez ay kasunod ng tensiyon na nangyari sa pagitan ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ at mahigit 100 pulis sa isinagawang raid sa properties ng kontrobersiyal na si Pastor Apollo Quiboloy.
Una rito, nag-assume sa pwesto si Martinez bilang PRO XI director noong Abril 26 matapos magretiro si dating director Alden Delvo.
Hahalili naman kay Martinez bilang bagong Davao Region Police chief si PBGen. Nicolas Deloso Torre ng PNP Communications and Electronics Service.
Samantala, maliban pa kay Martinez, 9 na iba pang police officers mula sa Criminal Investigation and Detection Group, 2 mula sa Special Action Force, at isa pa mula sa PRO XI ang na-relieve din sa pwesto at inilipat sa Calabarzon police.