DAVAO CITY – Kinumpirma mismo ng National Bureau of Investigation (NBI)-11 ang kanilang isinagawang entrapment operation dakong ala-1:00 Miyerkules ng hapon sa sinasabing opisina ng Kabus Padatuon Ministry Incorporated (KAPA).
Una nang nakatanggap ng impormasyon ang NBI-11 ng abiso mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) na patuloy pa rin umano ang sikretong operasyon ng KAPA sa mismong radio station na Muews Radio na pagmamay-ari ni Arvin “Jun Blanco” Malaza na isa ring board member sa Davao del Sur.
Kaagad namang nagpanggap ang mga otoridad na magpa-pay in at positibong patuloy pa ang kanilang operasyon.
Ayon kay Special Investigator Joel Ayop, spokesperson ng NBI-11 na limang empleyado ang kanilang inaresto na kinabibilangan ng mga IT technicians, anchorman, guardiya at si Blanco.
Dagdag pa ni Ayop na walang inirekomendang piyansa ang syndicated large scale estafa na kakaharapin ng mga nahuli kung mapapatunayang dawit sila sa operasyon.
Nakuha rin bilang ebidensiya sa naturang opisina ang mga resibo; money counter; marked money na nagkakahalagang P10,000; KAPA ID; ledgers; books of account; shot gun na may apat na bala; at iba pang mga papeles na may kinalaman sa kanilang operasyon.
Samantala, nitong hapon ng Miyerkules ay dinala sa ospital si Blanco dahil tumaas umano ang kanyang blood pressure.