Nagsanib-puwersa ang duo nina Anthony Davis at LeBron James upang balikatin ang Los Angeles Lakers tungo sa 103-101 paglusot sa karibal nilang Los Angeles Clippers sa ikalawang laro ng re-opening doubleheader ng NBA.
Kumamada ng 34 big points si Davis, habang nagpasabog ng 16 points, 11 rebounds at pitong assists si James upang mapalakas pa lalo ang tsansa ng Lakers na madagit ang No. 1 seed sa Western Conference.
Ngunit bago ito, nanganib pa ang Lakers na mabigo sa huling 22 segundo ng final canto makaraang tumabla ang Clippers sa iskor na 101 dahil sa 3-pointer na binaon ni Clippers forward Paul George.
Hindi naman ito hinayaan ni James at siya mismo ang kumilos para maagaw uli ang kalamangan sa Clippers.
Bagama’t sumablay ang jump shot ni LeBron, nahabol naman nito ang bola para sa isang follow-up shot na sumelyo sa panalo ng koponan.
Kahit na may 12 segundo pang natitira sa regulasyon, hindi na nagawang makahabol pa ng Clippers bunsod na rin ng huling depensa na inilatag ng Lakers at ni James.
Nagawa pang maibato ni George ang bola sa ring sa huling segundo subalit ito ay sumablay.
Sumandal ang Clippers kina George na naglista ng 30 points, at kay Kawhi Leonard na umiskor ng 28.
Sa araw ng Linggo, makakasagupa ng Clippers ang New Orleans Pelicans, habang ang Toronto Raptors naman ang hahamunin ng Lakers.