-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pumagitna na ang militar sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng Dawla Islamiya Hassan Group at Moro Islamic Liberation o MILF 118th Command sa Barangay Mother Tuayan, Datu Hoffer, Maguindanao.

Ito ay makaraang dalawa na ang binawian ng buhay habang nasa higit 50 pamilya naman o higit isandaang mga indibidwal ang nagsilikas sa takot na madamay sa engkwentro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal 601st Infantry Brigade Commander, BGEN. Oriel Pangcog, inaalam pa ang identity ng dalawang nasawi na agad kinuha ng kanilang mga kamag-anak.

Ayon kay General Pangcog, tumagal ng halos tatlumpong minuto ang sagupaan sa lugar sa pagitan ng grupo ng Dawla Islamiya Hassan Group sa ilalim ni Abdulnasser Guianid laban sa grupo ni MILF 118th Base Command sa ilalim ni Kumander Saga Malandas.

Samantala ang higit limampung pamilyang nagsilikas na karamihan ay mga IP’s o katutubong Teduray ay pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mas ligtas na lugar sa evacuation center sa Barangay Limpongo Datu Hoffer Maguindanao del sur.

Nagbigay na rin ng paunang tulong ang Barangay LGU ng Limpongo sa mga apektadong pamilya na kinabibilangan ng bigas, noodles, delata at trapal.

Dahil sa presensiya ng militar sa lugar ay humupa na ang kung saan nagsagawa na rin ng clearing operations ang mga ito.

Sa ngayon, patuloy na nakaantabay ang mga sundalo sa lugar upang di na maulit pa ang laban ng dalawang grupo.

Mas hinigpitan na rin ng AFP ang pagbabantay katuwang ang PNP sa mga armadong grupo upang maiwasan ang karahasan lalo na at paparating ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.