KORONADAL CITY – Tuluyan nang na-neutralized ng Government Forces ang isang bomber na kasapi ng Dawlah Islamiyah Maguindanao Group habang arestado naman ang kasamahan nito sa isinagawang focused military operations sa Purok 7, Brgy. Dunguan, M’lang, North Cotabato.
Kinilala ng mga otoridad ang nasawi na si Monir Lintukan habang ang naarestong kasama nito ay si Randy Saro alias ‘Bobong’.
Napag-alaman na nagsanib pwersa ang operating troops ng 90IB, 34IB, 1st Scout Ranger Battalion, 4JSOU at Police Regional Office – PRO12 nang makaengkwentro ang mga terorista sa pangunguna ni Almoben Camen Sebod alias ‘Polok’, full time member sa Dawlah Islamiya na sangkot sa extortion at scam activities kasama si Omal Kamsa, na myembro naman ng BIFF-Karialan Faction.
Nagresulta sa higit 30 minuto ang engkwentro sa pagitang ng mga otoridad at terorista na nagresulta sa pagkasawi ni Lintukan. Si Lintukan at mga kasamahan nito ang itinuturong responsable sa bombing incident sa Parang, Maguindanao; Mlang at Aleosan North Cotabato at ang twin bombing na naganap dito sa Koronadal City at Tacurong City kamakailan.
Narecover ng mga sundalo ang one (1) Cal 5.56mm M16 rifle, 1 long magazine ng M16 with 41 rounds cartridge ng Cal 5.56mm ball; one bandolier at isang improvised explosive device.
Una nang inihayag ni Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philipine Army na agad natumbok ang grupo ng DI at BIFF na may kagagawan sa pamomomba sa lungsod ng Koronadal at Tacurong dahil sa signature ng mga ito.
Sa ngayon, patuloy na nagsasagawa ng military operation ang AFP kasama ang PNP upang masiguro na wala nang karahasan na mangyayari lalo pa at nasawi sa engkwentro ang isa sa mga salarin. Matatandaan na 3 ang nasugatan sa pagsabog nga IED sa YBL bus kamakailan.