-- Advertisements --

Nasa 14,000 pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila para tiyaking tahimik at mapayapa ang pag-uumpisa ng campaign period o panahon ng kampanya ngayong araw.

Ayon kay NCRPO Chief P/Dir. Guillermo Eleazar, magiging kritikal ang susunod na tatlong buwan dahil mag-iikot sa Metro Manila ang mga kandidato sa pambansang posisyon para suyuin ang mga botante.

Kasunod niyan, maghihigpit na rin ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga ipinatutupad na alituntunin nito sa mga kandidato partikular na ang nationwide gun ban.

Dahil dito, sinabi ni Eleazar na paiigtingin pa nila ang mga inilatag na checkpoint kaya inatasan na niya ang mga district commanders na tutukan ang kanilang mga tauhan sa pagpapatupad nito.

Pinaalalahanan din ng NCRPO chief ang lahat ng mga kandidato lalo na sa pagka-senador na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para maplantsa ang mga gagawin nilang campaign rallies at meeting de avance.

Sa huli, mahigpit din ang tagubilin ni Eleazar sa mga tauhan nito na manatiling nasa gitna, walang kinikilingan at laging igiit kung ano ang tama.