-- Advertisements --

LAOAG CITY – Halos magdadalawang araw nang nilalakad ng pitong construction workers ang national highway mula sa Mabalacat, Pampanga pauwi sa Paoay, Ilocos Norte.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mr. Carlo Tenerife, isa sa pitong construction worker at residente ng Barangay Pasil sa bayan ng Paoay, inumpisahan nilang maglakad noong gabi ng Huwebes mula sa kanilang pinagtatrabahuan sa Mabalacat.

Aniya, sa mga border checkpoint ng mga otoridad at ilang bahay sila humihingi ng pagkain at tubig habang naglalakad sila pauwi ng Paoay, Ilocos Norte, sa gitna ng ipinatupad na lockdown bunsod ng Coronavirus Disease 2019 o CIVID-19.

Sinabi ni Tenerife na may ilang sasakyan naman ang nagsasakay sa kanila ngunit kung makarating na sa destinasyon ng sasakyan ay doon nila ipinagpapatuloy ang paglalakad.

Kuwento nito, tinatiyaga nila ang uhaw at gutom habang naglalakad lalo’t sa ilang parte ng highway ay walang makitang bahay na paghihingian nila ng tubig at pagkain.

Kaninang umaga lamang ay nakarating na sila ng Narvacan, Ilocos Sur matapos matagpuan ng mga pulis at pinatulog sila sa police station.

Base sa mapa, umaabot sa 285 kilometro ang nilakbay ng pitong construction workers mula sa Malabacat hanggang sa Narvacan.

Napag-alaman ng Bombo Radyo Laoag na may good samaritan ang posibleng sumundo sa mga pitong kalalakihan.