-- Advertisements --

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga evacuees mula sa Marawi City habang hindi pa rin nareresolba ang kaguluhan kasunod nang pag-atake ng local terror group na Maute.

Iniulat ngayon ni DSWD Sec. Judy Taguiwalo na nasa 4,278 na ang mga nagsilikas at ngayon ay nasa 14 na mga evacuation centers.

Agad din namang nilinaw ng kalihim na hindi pa ito ang kabuuang bilang ng mga evacuees dahil ang iba ay minabuting pansamantalang tumuloy muna sa kani-kanilang mga kamag-anak.

Aniya, as of 8:00 kagabi ang kabuuang apektadong mga residente sa Marawi ay umaabot na sa 59,665 mula sa 26 na mga barangays sa siyudad.

Kasabay nito tiniyak ni Taguiwalo na regular naman ang pagpapadala nila ng relief goods at prayoridad nila ang mga nasa evacuation centers dahil naorganisa na ang mga ito at naisagawa ang validation at profiling ng mga tauhan ng local DSWD.

Inihalimbawa ng kalihim na sa bahagi lamang ng Barangay Ma. Cristina sa Iligan City nasa 1,000 na ang mga evacuees doon na nanggaling sa Marawi.

Una nang inamin ni Sec. Taguiwalo na may ilang mga lugar sa Marawi ang mahirap pasukin para maabutan ng tulong ang mga apektadong pamilya dahil sa panaka-naka pa ring putukan at engkwentro ng mga tropa ng pamahalaan at mga terorista.

Nilinaw din naman ni Taguiwalo na sa ngayon ay hindi pa naman sila nanghihingi ng donasyon pero tatanggapin nila ang mga tulong mula sa may mabubuting kalooban na mga kababayan at mga grupo.

Batay sa abiso ng DSWD para doon sa mga donor, maaaring direktang ideposito ang mga donasyon sa account ng kagawaran.

“While we are not asking donations for Marawi, we accept them. Our problem is getting to areas where the evacuees are. We are addressing this,” ani Taguiwalo. “We are aware of all the pleas for food & help in Marawi areas. We are doing our best to get in & to help those in the evacuation centers.”

Kung maalala noong nakalipas na Martes, Mayo 23 sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga sundalo at grupo ng Maute sa lungsod ng Marawi.

Nagbunsod ito upang magdeklara ang Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law noong Mayo 24 at isailalim ang buong rehiyon ng Mindanao.