Sumampa sa mahigit 2,700 ang mga dinampot ng mga otoridad sa lungsod ng Navotas bunsod ng mga nagawa nilang paglabag sa nagpapatuloy na lockdown sa siyudad.
Ayon kay Navotas Police chief PCol. Rolando Balasabas, sinabi nito na as of alas-5:00 ng umaga kanina, umabot na sa 2,723 ang mga residenteng inaresto bunsod ng mga lockdown violation.
Sinabi ni Balasabas, karamihan sa nasabing bilang ay lumabag sa 24-oras na curfew na ipinatutupad sa siyudad.
May mga hinuli rin aniya sila dahil naninigarilyo sa mga pampublikong lugar, walang saplot na pang-itaas, at maraming iba pang mga paglabag.
Sa nasabi rin daw na bilang, 2,581 ang mga matatanda at 142 ang menor de edad.
“To our surprise minors ang mababa, dati kasi nung wala pa lockdown, mga kabataan talaga pakalat-kalat sa kalsada. This time, nung may lockdown tayo, sila pinakakonti na na-apprehend natin,” wika ni Balasabas.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, PMGen. Debold Sinas, batay sa kanilang assessment ay maganda naman daw ang implementasyon ng lockdown sa Navotas.
Paglalahad ni Sinas, nakita raw nila na mahigpit na tumatalima ang karamihan sa mga residente sa mga ibinababang direktiba ng local government, at sa mga ipinatutupad na health protocols.
Matatandaang inilagay sa dalawang linggong lockdown ang siyudad ng Navotas bunsod ng tumataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 1,236 ang mga kaso ng COVID-19 sa lugar kung saan 634 ang mga active cases.