-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Idineklara ngayong araw ng Martes, Pebrero 28 bilang Day of Mourning sa bayan ng Aparri, Cagayan kasabay ng paghahatid sa huling hantungan kay Vice Mayor Rommel Alameda na namatay sa ambush kasama ang limang iba sa Nueva Vizcaya.

Sa inisyung executive order ni Mayor Bryan Dale Chan ng aparri, iniatas din nito na ilagay sa half-mast ang bandila sa munisipyo bilang simbolo ng pagluluksa.

Nakapaloob sa kautusan ng alkalde ang suspensiyon ng pasok sa tanggapan ng gobierno at paaralan sa lahat ng level ngayong araw na ito para mabigyan ang mga ito ng pagkakataon na makidalamhati sa naiwang pamilya ni Vice Mayor Alameda

Nagpaabot din ng pakikiramay ang munisipyo sa pamilya ng bise alkalde at sa limang iba pa na kasama sa mga nasawi ng pagbabarilin ang sasakyan ng bise alkalde.

Samantala, hiningi na ng mga pamilya ang tulong ng National Bureau of Investigation o NBI para sa mas mabilis na imbestigasyon.

Mayroon na ring persons of interest ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring pananambang.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga natukoy na persons of interest ng pulisya ay kasalukuyan nang kinukuhanan ng panayam at affidavit.

Pero paglilinaw nito, hindi naman agad na itinuturing na suspek ang mga persons of interest bagkus ay kinakuhanan lamang sila ng salaysay para makatulong sa paghahanap sa mga suspek.

Matatandaan noong Pebrero 19, ng kasalukuyang taon ay tinambangan ng mga armadong kalalakihan na nakasuot ng PNP uniform ang grupo Vice Mayor Alameda sa Brgy. Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya upang dumalo sana sa Convention ng Vice Mayors League of the Philippines sa Pasay City.