-- Advertisements --

CEBU – Idineklara ng gobyerno ng India ang ‘day of mourning’ matapos ang banggaan ng tatlong tren sa Odisha sa nasabing bansa kung saan mahigit sa 300 na ang namatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Cristina Andales, ang Bombo International Correspondent sa India, sinabi nito na kasunod sa nasabing deklarasyon ay ikinansela ang lahat ng mga aktibidad pati na rin ang kanilang mga cultural activities.

Aniya, labis na ikinalungkot ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang kalunos-lunos na pangyayari sa kasaysayan ng kanilang bansa.

Dagdag pa nito, pahirapan ang pagkilala sa mga nasawing pasahero dahil walang anumang detalye o record ang mga ito sa kanilang pagsakay ng tren, kaya hindi pa rin malalaman sa ngayon kung may mga Pilipino ba na kasama sa mga namatay.

Ayon kay Andales na kinakailangan pa na isailalim sa otopsiya ang mga bangkay upang malaman ang mga pagkakilanlan nito at nang mai-uwi sa kanilang mga pamilya.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad nang sa gayun ay kanilang malaman ang sanhi sa pagka-diskaril sa nasabing tren.