CAGAYAN DE ORO CITY-Ipinatupad ngayon ng gobyerno ang “day of mourning” kasunod ng mga pagpapasabog sa iba’t ibang simbahan at hotel sa Colombo, Sri Lanka.
Ito ay matapos na patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nasawi sa insidenteng nangyari noong Linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng overseas Filipino worker na si Lorna Hettiarachy, na mistulang naging “ghost town” ang kabisera ng bansa dahil sa sobrang takot ng mga residente.
Ayon kay Hettiarachy, na nakapag-asawa ng Sri Lankan nationa, mahigpit ang abiso ng gobyerno na hindi sila basta makakalabas ng bahay kasunod ng insidente.
Nauna nang nagpatupad ng curfew upang makaiwas na rin sa peligro.
Samantala, kumbinsido ang mga otoridad na hindi localize ang nangyaring insidente kundi may kaugnayan sa international terror groups .
Nasa 290 katao ang nasawi habang higit 500 naman ang sugatan sa magkahiwalay na mga pagsabog.