-- Advertisements --

Umaapela pa rin ng dasal sa kanyang mga tagahanga si 1993 Miss Universe Dayanara Torres kahit nakatanggap ito ng magandang balita sa kanyang mga doktor hinggil sa kanyang sakit na skin cancer.

Una rito, ibinunyag ni Torres sa kanyang Instagram account na base sa kanyang mga test results, hindi na raw kumakalat pa ang kanyang cancer, at hindi rin daw ito nakaabot sa kanyang mga vital organs.

Sinabi ng 44-year-old Puerto Rican celebrity, nakatakda naman umano itong sumailalim sa kanyang unang radiation treatment.

“Keep praying, keep having me in your prayers. I am forever grateful to all of you and the mountains you all are being able to move for me. With all of my heart & soul, thank you!” pahayag ni Torres.

Nitong Pebrero nang kanyang inanunsyo na na-diagnose itong may skin cancer, kung saan ipinapasa-Diyos na lamang niya ang kanyang paggaling.

2017 nang huling bumisita si Dayanara sa Pilipinas bilang isa sa mga hurado ng 65th Miss Universe.