KALIBO, Aklan — Dahil hindi pa nakakabangon ang iba pang tourist destination sa bansa na sinalanta ng bagyong Odette, inaasahang sa Boracay bubuhos ang karamihan sa mga dayuhang turista na papasok sa Pilipinas simula sa Pebrero 10.
Kaugnay nito, sinabi ni Kalibo International airport manager Engr. Eusebio Monserate, Jr. bagaman hindi pa nagbubukas ang mga flights mula sa mga bansang China, South Korea, at Taipei nakahanda na ang mga tauhan ng paliparan.
Nauna dito, niluwagan ng gobyerno probinsiyal ang mga travel restrictions.
Bubuhayin aniya ng bagong guidelines ang ekonomiya at turismo sa Aklan kabilang na ang Isla ng Boracay kasunod ng krisis dulot ng COVID-19.
Ang mga fully vaccinated tourist ay kailangang magpakita ng kanilang mga vaccination card o certificate na inisyu abroad para makapasok dito sa probinsiya. Ang mga partially o mga hindi pa nababakunahan ay kailangang magpakita ng negative result ng swab test sa loob ng 72 oras bago ang departure.
Samantala, ipinatutupad ng Kalibo airport ang ‘no vaccine, no entry’ policy para sa mga empleyado nito at iba pa na pumapasok sa airport. Ipinatutupad parin ang pagsusuot ng face mask at ang social distancing para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nabatid na itong Enero ay nakapagtala ng 35,799 na mga turista ang Isla ng Boracay na mas mababa kumpara noong wala pang pandemya. Noong nakaraang taong 2021 ay bumagsak sa 325,000 ang bilang ng mga turista kumpara sa 2 million noong isang taon bago ang pandemya.