Hinimok na magpulong sa mga susunod na araw ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang mapagtibay pa nito ang kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsususpinde sa excise tax sa langis sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa.
Ayon pa sa opisyal, ang pagsususpinde sa excise tax sa mga inaangkat na krudo at gasolina ang panawagan ng DBCC.
Ito kasi aniya ang kanilang mandato sa ilalim ng huling bahagi ng Section 43 ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Paliwanag ni Herrera, ang naturang suspension ay ang tanging aksyon ng kagawaran na maaaring pahintulutan sa ilalim ng naturang batas, ngunit nilinaw na hindi lamang ito ang kanilang opsyon.
Maaari rin aniyang magtakda ng parameters at metrics ang DBCC sa implementasyon ng naturang fuel tax suspension dahil hindi raw nililimitahan ng nasabing batas ang tagal ng bisa nito.
Samantala, iminungkahi rin ng deputy speaker ang pagpapatupad ng 10% discount sa pamasahe, at National Food Authority (NFA) rice, at iba pang mga benepisyong panlipunan.
Magmumula kasi aniya sa incremental revenues ng TRAIN law sa unang limang taon ng bisa nito ang pondo para sa mga ito.
Magugunita na una nang sinabi ng Malacañang na kinakailangan ng rekomendasyon ng DBCC at Department Finace ang mungkahing fuel tax suspension.