-- Advertisements --
amenah

Ibinunyag ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na inaabot ng 4 na buwan hanggang 1 taon pa bago mailabas ang calamity fund mula sa national government sa mga lokal na pamahalaang tinamaan ng mga kalamidad.

Tinutukoy ng kalihim ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund o calamity fund sa ilalim ng pambansang pondo na maaaring magamit ng mga lokal na pamahalaan sakaling nagugol na nila ang kani-kanilang nakalaang calamity fund.

Ipinaliwanag din ni DBM Assistant Secretary Mary Anne dela Vega na bago pa man mailabas ang naturang pondo, kailangan munang mag-request ng sinalantang LGU na aaprubahan ng Office of the Civil Defense na tumatayong Secretariat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na binubuo ng mahigit 40 mga ahensiya ng gobyerno. Matapos namang aprubahan ng OCD, ang naturang request ay kailangan pa ng apruba ng Pangulo para mabigyan ng awtorisasyon ang DBM na maglabas ng calamity fund.

Ayon pa kay De Vega, mula sa P30 billion calamity fund para ngaying 2023, tanging nasa P11 billion ang kailangan pang i-liquidate. Mula naman sa P11 billion, nasa P9 billion ang nakabinbing request na aaprubahan ng OCD habang ang P800 million naman ay aaprubahan ng Office of the President.

Ikinalungkot din ni Budget Sec. Pangandaman ang batas na naglilimita lamang sa loob ng 2 taon mula nang mangyari ang kalamidad para ma-access ng mga apektadong lugar ang calamity fund. Kung kayat iginiit nito na kailangang maamyendahan ang nasabing batas.

Samantala, pinagsusumite naman ni Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara ang DBM ng detalye kung ilang lagda ang kailangan para mailabas ang calamity fund upang matugunan ng Senado ang naturang usapin. Sinang-ayunan naman ng DBM ang request ng Senador.