-- Advertisements --

Kasalukuyang nakikipag-usap ang Department of Budgent and Management (DBM) sa Department of Health (DPH) at mga mambabatas kaugnay ng restructuring sa entry level salary grade ng mga government nurses.

Sa isinagawang virtual “Sulong Pilipinas: pre-SONA of the Economic Development and Infrastructure Clusters” forum kahapon, sinabi ni DBM Sec. Wendel Avisado na dahil sa naging ruling ng Supreme Court ay nais ng gobyerno na ayusin ang entry level para sa mga nurse na nagtatrabaho sa government health institutions mula salary grade 11 ay gagawin itong salary grade 15.

Ginawa ng SC ang naturang desisyon sa en banc session nito noong Oktubre 8, 2019 pabor sa Ang Nars Party-list na nagdedeklarang valid ang Section 32 ng Philippine Nursing Act.

Nakasaad sa Section 32 ng Philippine Nursing Act of 2002 na upang pagandahin ang general welfare, commitment to service at professionalis ng mga nurse, ay dapat hindi bababa ng salary grade 15 ang minimum base pay para sa mga nurse na nagtatrabaho sa public health institutions. Alinsunod na rin ito sa Republic Act No. 6578 o kilala rin bilang “Compensation and Classification Act of 1989.”

Ayon pa kay Avisado na inihahanda na ng DBM at DOH ang joint memorandum circular para rito.

Nilinaw naman ng kalihim na bukod sa pagtataas sa entry level ay walang nabanggit na tataasan din ang sweldo ng bawat salary grades.

Nakikipag-usap na rin aniya sila sa mga mambabatas upang aralin ang salary structure ng mga government nurses mula entry level hanggang Nurse 7 na nasa salary grade 24.