Nagbigay ng go signal ang Department of Budget and Management (DBM) para sa P12.26 bilyon na gagamitin para sa pagpapatayo ng mga residential building para sa mga informal settlers at pagbibigay ng tulong sa pabahay sa mga biktima ng kalamidad.
Sa isang pahayag, sinabi ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na inaprubahan ng DBM ang pagpapalabas ng notice of cash allocation na magbibigay-daan sa National Housing Authority (NHA) na mabayaran ang mga gastusin para sa housing assistance.
Sa inilaan na pondo, sinabi ni Pangandaman na P12.059 bilyon ang itatalaga para sa pagbibigay ng tulong sa pabahay sa mga biktima ng kalamidad.
Dagdag pa rito, ang natitirang balanse na P200 milyon ay gagamitin para sa pagtatayo ng apat na unit ng limang palapag sa Rehiyon VI (Western Visayas).
Ayon sa DBM, ang mga gusaling ito ay naglalayon na mapaunlakan at ma-resettle ang mga informal settler families (ISFs).
Una nang ipinahayag ni Pangandaman na nananatiling prayoridad ng administrasyong Marcos ang pagbibigay ng mga disenteng tahanan para sa mga Pilipino, partikular ang mga apektado ng kalamidad.