Inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglalabas ng P1 bilyong pondo para sa pagtatayo ng child development centers (CDC) sa mahihirap o may mababang income na mga lokal na pamahalaan sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, ang paglalabas ng pondo ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang edukasyon at human capital development.
Naniniwala din ang kalihim na mahalaga ang pagtatayo ng naturang mga center sa buong bansa para sa kapakanan ng bawat batang Pilipino.
Una rito, isinagawa ang ceremonial signing ng Joint Circular sa pagtatayo ng CDCs sa Malacañang Palace noong Abril 3 na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gagamitin sa pagtatayo ng child centers ang Local Government Support Fund-Financial Assistance (LGSF-FA).
Dito, inanunsiyo din ng Pangulo na makakatanggap ng pondo ngayong taon ang 328 low-income LGUs para suportahan ang early childhood care initiatives kung saan ang mga beneficiaries ay mula sa Luzon, Visayas at Mindanao kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa DBM, ang CDCs ay magsisilbing resource hubs para sa early learning programs, family support services at research on child development, para epektibong matugunan ang kasalukuyang puwang sa early childhood care sa ating bansa.