Inilabas na ng Department of Budget and Management ang P5 bilyong pondo na inilaan sa muling pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapaunlad ng mga lugar na apektado ng kaguluhan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ng DBM na inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Notice of Cash Allotment (NCA) sa nasabing programa, na bahagi ng Special Development Fund alinsunod sa Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law .
Sa ilalim ng nasabing batas, ang Special Development Fund ay ilalabas taun-taon sa loob ng 10 taon, ibig sabihin, ang kabuuang halaga ay magiging P50 bilyon.
Sa pamamagitan ng pondong ito, umaasa pamahalaan na magpapatuloy ang pag-unlad sa BARMM.
Ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi titigil sa pagtulong sa BARMM, lalo na sa proseso ng transition ng lugar.
Ayon sa DBM, ang mga pondo ay inilabas matapos isumite ni BARMM Prime Minister Ahod Ebrahim ang Cash Program na naglalaman ng mga kinakailangan at schedule para sa mga programs/projects/activities (PPAs).
Sinabi ng DBM na suportado nito ang mga pagsisikap sa pag-unlad sa BARMM, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang lugar ay makakakuha ng sapat na pondo kahit na sa 2024 proposed national budget na kinabibilangan na ng Special Development Fund.