Ipinag-utos ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ngayong Sabado ang agarang pagpapalabas ng guidelines para sa taas sahod ng mga manggagawa sa gobyerno.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 64 na nagpapahintulot sa pagtataas ng sahod at medical allowance para sa government employees.
Ayon sa kalihim, tinatayang nasa P36 billion mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act ang ilalaan para sa pagpapatupad ng unang tranche ng salary increase.
Dagdag pa ng kalihim na naglaan ang DBM ng P70 billion para masaklaw ang karagdagang cost requirements para sa una at ikalawang tranches.
Kung saan ang unang tranche ng salary increase ay ibibigay ngayong taon habang ang mga susunod na tranche ay sa Enero 1, 2025, 2026 at 2027.
Samantala, makakatanggap din ang mga manggagawa ng gobyerno ng P7,000 na halaga ng medical allowance kada taon simula na sa susunod na taon.