Naglabas ng karagdagang P1 billion na pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa mga lokal na pamahalaan na nasalanta ng bagyong Odette.
Ang pinakahuling pagpapalabas ng pondo ay kasunod ng inisyal na P1 bilyon na inilabas ng kagawaran noong nakaraang linggo matapos mangako si Pangulong Rodrigo Duterte na maglalabas ng pondo mula sa kanyang tanggapan upang tulungan ang mga LGU na apektado ng kalamidad para sa kanilang recovery efforts.
Base sa listahan, ang Region IV-B ay makakatanggap ng P84.38 million; Region VI – P248.35 million; Region VII – P202.66 million; Region VIII – P115.43 million; Region X – P84.37 million; at Region XIII – 264.81 million.
Sinabi ng DBM na maglalabas ito ng local budget circular para magbigay ng guidelines sa pagpapalabas at paggamit ng financial assistance.
Magugunitang, ang kumpirmadong nasawi dahil sa bagyong Odette ay umakyat na mula 59 noong Martes hanggang 63 noong Miyerkules batay sa huling update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Labindalawa pa rin ang nawawala habang 74 ang sugatan.
Samantala, biniberipika pa ng NDRRMC ang 334 pang naiulat na namatay, 71 ang nawawala, at 1,073 ang nasugatan.