-- Advertisements --

DAVAO CITY – Itinanggi ng Davao City Police Office (DCPO) ang mga impormasyong nagkalat ngayon sa social media tungkol sa umanoy mga hold-up incidents na nangyayari sa lungsod ng Davao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Police Major Ma. Teresita Gaspan, tagapagsalita ng DCPO, nilinaw nito na wala silang naitalang reklamo tungkol sa nangyayaring hold up sa Davao City dahil wala itong natanggap na blotter o sumbong mula sa publiko.

Ayon kay Gaspan na magpapatuloy ang kanilang monitoring lalo pa’t may viral post sa social media tungkol sa hold up incident sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Dagdag pa ng opisyal na hindi ito totoo at biniberipika na nila ang nasabing post upang ma-trace kung sino man ang nagpakalat nito.

Binalaan din ni Gaspan ang publiko na huwag maniwala sa disinformation dahil maaari itong magdulot ng panic sa mga tao lalo na sa pagdiriwang ng 37th Kadayawan Festival.

Dagdag nito, kung may nangyaring hold-up, agad itong i-report sa pulisya o sa pamamagitan ng kanilang hotline para sa agarang tugon.

Sinabi rin ng tagapagsalita na laging ipatupad ang Culture of Security at laging mag-ingat sa paligid.

Iwasan din ang pagsakay sa madidilim na lugar, at kung maaari, makihalubilo sa maraming tao at huwag magdisplay ng mga gadget o gamit dahil maghahanap ng pagkakataon ang magnanakaw para umatake.

Huwag kalimutang i-lock ang bahay kapag lalabas o sa gabi.