CENTRAL MINDANAO – Natanggap na ng mga Day Care Workers (DCW), Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Barangay Health Workers (BHW) sa Midsayap, Cotabato ang kanilang honorarium mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Nasa 95 DCWs, 73 BNSs at 308 BHWs ang nakatanggap ng P4,200 bawat isa kung saan sakop nito ang honorarium para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Maliban sa mga ito, nakatanggap naman ang nasa 929 na mga miyembro ng Barangay Peackeeping and Action Team (BPAT) sa nabanggit pa rin na bayan ng tig-P1,000 na COVID-19 allowance.
Laking tuwa naman ng mga DCWs, BNSs, BHWs at BPATs sa kanilang natanggap na cash allowance dahil sa malaking tulong umano ito sa kanilang pamilya ngayong may kinakaharap pa ring krisis ang bansa dulot ng pandemiya.
Pinasalamatan naman ng lokal na pamahalaan ng Midsayap ang mga ito dahil sa kabila ng banta ng pandemya ay hindi nawawala ang kanilang dedikasyon at nagpapatuloy ang kanilang walang sawang serbisyo para sa mga mamamayan.