Interesado umano si retired six-division champion Oscar De La Hoya na makasagupa sa ikalawang pagkakataon si Floyd Mayweather Jr. sakaling bumalik ito sa boxing ring.
Ayon kay De La Hoya, nais daw nitong lumaban sa isang tunay na boxing match, at hindi sa isang exhibition lamang.
Maliban kay Mayweather, sinabi ng 47-anyos na boxing legend na pag-isiipan naman daw nito ang posibilidad na harapin ang kababayang si Saul “Canelo” Alvarez.
“I’ve always prided myself on fighting the very best. And why go after the second best? Why not go after the guy that beat him?” wika ni De La Hoya.
“Why not go after Mayweather for instance, in a revenge fight? That is something that’s very intriguing. We’ll see how I feel and then we’ll take it from there.”
Huling nagtuos sa ibabaw ng ring sina De La Hoya at Mayweather noong 2007 kung saan nagwagi ang Amerikano sa pamamagitan ng split decision upang makuha ang WBC world junior middleweight title.
Ang 43-anyos namang si Mayweather ay nagretiro sa boxing noong 2017 matapos nitong magapi si mixed martial arts superstar Conor McGregor.