Binanatan ni dating Senator Leila De Lima si Senator Alan Peter Cayetano na dapat isa ito sa mga akusado at arestuhin ng International Criminal Court (ICC) kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-ugat ang pahayag na ito ni De Lima mula sa video na ibinahagi ni Sen. Cayetano na nangangaral kaugnay sa aniya’y mga desisyon na may consequences. Iniugnay ng Senador ito sa desisyon ng gobyerno na pumayag para maaresto si dating Pangulong Duterte nang hindi ginagawa ang mga legal na remedyo.
Sa ibinahaging video ni De Lima sa kaniyang X account, sinabi niyang si Sen. Cayetano ang huling indibidwal sa mundo na mangaral kung ano ang dapat gawin ng mga human rights organizations at defenders kaugnay sa pag-aresto sa dating Pangulo.
Sinabihan din ng dating Senadora si Cayetano na wala itong Karapatan para pangaralan silang tumayo at lumaban para sa mga Pilipino sa ilalim ng kanilang rehimen.
Tinukoy ni De Lima si Cayetano bilang nagpahintulot, naghikayat at nagtulak ng aniya’y deadly criminal enterprise na “summary execution sa mahihirap na mga Pilipino sa ngalan ng pekeng war on drugs.
Bumuwelta din si De Lima sa paggiit ng Senador sa due process sa pag-aresto sa dating Pangulo at kinuwestyon kung nasaan ito noong panahong nalalabag ang mga karapatan ng mga tao.
Ipinaliwanag din ni De Lima na sa ilalim ng batas na Republic Act No. 9851 may opsiyon ang gobyerno ng Pilipinas na isuko si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court nang walang judicial approval.
Hinamon din ni De Lima si Sen. Cayetano na ipadeklara sa Korte Suprema bilang unconstitutional ang pag-aresto sa dating Pangulo bago ito mangaral kaugnay sa due process.
Kung babalikan, matatandaan na si Sen. Cayetano ay isa sa malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nagsilbi si Cayetano bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula 2017 hanggang 2018 sa gabinete ng dating Pangulo matapos na matalo sa pagka-Bise Presidente noong 2016 elections bilang running mate noon ni Duterte.