Nakahanda umano na makipagtulungan si dating Senator Leila de Lima sa International Criminal Court (ICC) trial ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa diumano’y crimes against humanity ng kaniyang ‘war on drugs’ campaign sa bansa.
Ito ay kinumpirma ng kanyang abogadong si Atty. Dino de Leon.
Ayon kay De Leon, naisumite na ni De Lima ang mga mahahalagang ebidensya sa ICC at handa aniya itong tumestigo kung kinakailangan.
Si De Lima ay maalalang nakulong noong Pebrero 2017 hanggang Nobyembre ng taong 2023 dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga na kalaunan naman ay pinalaya at in-acquit sa lahat ng mga kaso nito noong Hunyo ng nakaraang taon.
Bago ang kanyang pagkakakulong, si De Lima ay naging matapang na kritiko ni Duterte, kung saan pinangunahan niya ang mga imbestigasyon ukol sa mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pagsisiyasat sa Davao Death Squad noong alkalde pa si Duterte ng Davao City.
Kaugnay pa nito noong Senador pa si De Lima, siya din ang naguna para imbestigahan ang madugong ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte.
Dagdag pa ni Atty. De Leon na handa ang kaniyang kliyente na magtungo sa The Hague sa Netherlands at magtestigo bilang saksi kung kinakailangan.
Samantala, nakatakda naman ang susunod na pagdinig ng ICC sa Setyembre 23 taong kasalukuyan upang kumpirmahin ang mga kaso laban kay sa dating Pangulo.