Humiling ng pitong oras na furlough si Sen. Leila De Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 upang makaboto bilang bahagi ng kaniyang karapatan.
Batay sa kaniyang inihaing urgent motion sa pagharap kanina sa hukuman, hiniling ni De Lima na payagan siyang makalabas ng kulungan sa Mayo 13, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Sasagutin umano ng kampo nito ang gastusin sa magiging byahe palabas sa Camp Crame patungong Sta. Rita School sa Parañaque City kung saan siya nakarehistro, pati na ang pagbalik nito.
Matatandaang hindi noon pinagbigyan ang nais ng mambabatas na magkaroon ng special polling center sa PNP detention facility, kaya naghanap ng option ang panig ng senadora.
Si De Lima ay nakulong noong Pebrero 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa transaksyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP), habang siya pa ang pinuno ng DoJ, na nakakasakop sa national penitentiary.