-- Advertisements --

Muling ipinakita ni dating Senator Leila de Lima ang umano’y papel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na Davao Death Squad.

Sa pagharap ni De Lima sa Quad Committee ng Kamara de Representantes, sinabi ni De Lima na si Duterte mismo ang utak sa mga pagpatay na ginagawa ng mga miyembro ng DDS.

Sa ilang pagkakataon aniya ay mismong si Duterte pa umano ang pumapatay sa ilang indibidwal.

Kabilang sa mga tinukoy ni De Lima ay ang affidavit ng kontrobersyal na si Edgar Matobato, ang self-confessed hitman na umano’y isa sa mga orihinal na miyembro ng DDS.

Ayon pa kay De Lima na nagsilbi rin bilang Chairperson ng Commission on Human Rights at kalihim ng Department of Justice, matagal nang nangyayari ang mga pagpatay na kagagawan ng DDS, mula pa noong chief executive si Duterte sa Davao City.

Sinabi pa ni De Lima na nai-dokumento ng kaniyang kampo ang umano’y apat na dumping grounds kung saan itinatapon ang katawan o labi ng mga napapatay na biktima.

Kinabibilangan ito ng Laud Gold Cup Quarry, Gaisano, Mandug Mass Grave, at ang ika-apat ay ang katubigang sakop ng Samal Islands.

Ang mga ito aniya ay pawang may mga labing basta na lamang itinapon ng mga miyembro ng DDS.