NAGA CITY – Kinumpirma ng mismong kapatid ni Leila de Lima na anumang oras ay maglalabas ng statement ang mambabatas laban sa kumakalat na video na nagsasabing umamin na ang senadora hinggil sa pagkakasangkot nito sa illegal drug trade.
Sa panayam kay Vicente De Lima II, tahasan nitong pinabulaanan ang naturang video.
Ayon kay De Lima, fake news ang ikinalat ng isang blog na responsable sa video.
Aniya, walang aaminin ang kanyang kapatid dahil hindi naman totoo ang mga paratang na idinidiin laban dito.
Dagdag pa ni De Lima, gusto lamang ipakita ng mga kalaban na kaya pinayagan ng korte na makabisita sa inang may sakit ang senadora ay dahil sa pag-amin nito sa pamamagitan ng video.
Kung maaalala, kahapon nang bisitahin ng opisyal ang may sakit na 86-anyos na ina sa Iriga City matapos payagan ng korte ang kahilingan nito.