-- Advertisements --

Pinagtawanan lang ni Sen. Leila de Lima ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaya inilipat ang convicted criminals na tumestigo laban sa kanyang drug case ay dahil sa baka ipapatay ito ng mambabatas.

Sa kaniyang mensahe, tinawag na malaking kalokohan ang pahayag ng presidente.

Hamon nito, aminin na lang ng Duterte administration ang totoong layunin ng nasabing paglipat sa Philippine Marines headquarters ng mga nahatulang kriminal.

Malinaw aniya na gusto lang ng gobyerno na dalhin sa ibang lugar ang “Bilibid 19” para patuloy na magamit sa pagdidiin sa kaniya sa mga kasong inihain sa Muntinlupa court.

“Aminin nyo na lang kasi na ang totoong dahilan sa paglipat nyo sa mga convicts-witnesses na yan sa Philippine Marines HQ ay ito: For you and your equally evil operators to further control these witnesses in terms of pinning me down in the drug cases against me. Malapit na kasing isalang sa witness stand ang mga convicts-witnesses na yan sa ongoing trial in my drug cases,” wika ni De Lima.

Ang mga bilanggong ito ay una nang humarap sa Kongreso para idetalye ang kanilang nalalaman ukol sa papel ni De Lima sa drug trade sa loob ng national penitentiary.