Pinalagan ni dating Senator Leila de Lima ang pagsama ng Korte Suprema sa kaniyang pangalan sa disbarment case ng abogadong si Demosthenes Tecson na kabilang umano sa nagpondo ng kaniyang Senatorial campaign noong 2022 elections.
Ayon sa dating Senadora, walang pangalan ang na-disbar na abogado sa kaniyang campaign finances noong 2022 Senatorial campaign.
Ginawa ni De Lima ang paglilinaw matapos mabanggit sa press release ng korte na nag-misappropriate ng pondo si Tecson sa isang kliyente kung saan parte nito na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso ay napunta umano sa senatorial campaign funds noon ni De Lima.
Subalit, nang konsultahin umano ni De Lima ang dati niyang campaign team kabilang ang kaniyang legal team para suriin ang mga dokumento at kung kilala nila ang nasabing abogado, wala umanong nakakakilala kay Tecson kayat nagulat aniya siya nang mapasama ang kaniyang pangalan sa kaso.
Muling nagpahayag naman ng pagkadismaya ang dating Senadora sa pagkaladkad ng kaniyang pangalan sa isyu ng ibang abogado.
Sinabi din ng dating Senadora na ang maling pagkakadawit niya sa kaso ay nagresulta sa pagbatikos sa kaniya sa social media nang walang basehan.
Kaugnay nito, hiniling ni De Lima sa kataas-taasang hukuman na bigyan siya ng kopiya ng lahat ng dokumento na inihain ni Tecson.
Iginiit din ni De Lima na gagawin niya ang lahat ng kinakailangang legal na hakbang para protektahan ang kaniyang karapatan at tiyaking hindi madungisan nang hindi makatarungan ang kaniyang pangalan.