Kapwa umalma sina dating DILG Secretary Mar Roxas at nakakulong na si Sen. Leila de Lima sa hakbang ng Office of the Ombudsman.
Una nang kinumpirma ni De Lima na natanggap na niya ang sulat ng Ombudsman na nag-aatas sa kanya na linawin ang pagbalangkas ng implementing rules and regulation ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law noong siya pa ang DOJ secretary.
Duda ang nakakulong na senadora na maaaring “sini-setup” sila sa kapalpakan ni dating BuCor chief Nicanor Faeldon at iskandalo sa muntik nang pagpalaya sa convicted murderer at rapist na si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ayon pa sa senador “irregular” umano ito kaya kukunsultahin muna niya ang kanyang mga abogado.
Para naman kay Roxas, handa siyang humarap sa imbestigasyon sabay pagtatanong na ang dapat daw imbestigahan at panagutin sa batas ay ang nagpalaya sa mga convicted criminals na sangkot sa heinous crime na hindi naman qualified sa GCTA law.
Batay sa GCTA law na nag-aamyenda sa Article 29 ng Revised Penal Code, hindi umano kuwalipikado sa batas ang mga bilanggo na “recidivists, habitual delinquents, escapees, and persons charged with heinous crimes.”
Nakapaloob din sa Section 3 ng IRR na ang disqualified na maka-avail sa GCTA ay “an accused who is a recidivist.”
Gayundin ang mga akusado na na-convict ng dalawang beses o mahigit pa sa isang krimen.
Sa kaso ni Sanchez, hinatulan ito ng pitong counts sa Sarmenta-Gomez rape-slay case.