-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na hanggang bukas na lamang, araw ng Miyerkules, sila tatanggap ng mga aplikasyon para maging contact tracers.

Target ng DILG na makakuha ng nasa 50,000 contact tracers upang mapalakas pa ang contact tracing efforts ng pamahalaan sa harap ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, maliban sa pagpapalakas ng COVID-19 efforts ng gobyerno, malaking tulong din ang mga contact tracers para mas mapababa pa ang naiuulat na mga kaso ng virus.

“The DILG is looking for dedicated and patriotic individuals who want to join the fight against COVID-19,” ani Año.

Ang makukuhang mga contact tracers ay ma-aassign sa iba’t ibang mga contact tracing teams ng mga local government units.

Sinabi ng kagawaran, ang Metro Manila ang makakakuha ng 19.2% ng kabuuang bilang ng mga hired contact tracers dahil nananatiling hotspot ng COVID-19 ang Kalakhang Maynila.

Ang mga interesadong kagawaran ay kinakailangang magsumite ng application letter, personal data sheet, NBI clearance, at drug test result sa pinakamalapit na DILG provincial o city field office.

Prayoridad umano sa mga kukuhaning contact tracer ang mga nakapagtapos ng allied medical courses at criminology pero maaari ring kunin ang mga nagtapos ng anumang college course.