Pinababawi ni Assistant Minority Leader France Castro sa PhilHealth ang deadline na itinakda nito sa kung hanggang kailan lang sasagutin ng ahensya ang gastusin ng mga COVID-19 patients sa pagpapa-ospital.
Sinabi ni Castro na ang virus nga ay walang deadline na sinusunod sa kung hanggang kailan lang ito manghahawa kaya lalong nararapat na walang itinatakdang petsa dapat aniya ang PhilHealth sa kung hanggang kailan lang nito sasagutin ang fill coverage ng COVID-19 treatment.
Nauna nang sinabi ng PhilHealth na hanggang Abril 14 ng taong kasalukuyan lamang sila magbibigay ng financial coverage sa mga COVID-19 cases sa pamamagitan ng recomputed case rate.
Pero para kay Castro, hindi tama ito gayong kabilang ang PhilHealth coverage sa testing at treatment ng COVID-19 patients sa mga ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang report nito sa Kongreso matapos na maisabatas ang Bayanihan to Heal as One Act.
Dahil dito, dapat aniyang hindi hanggang Abril 14 lamang ang pagsagot ng PhilHealth sa gastusin ng mga COVID-19 patients lalo pa at wala pa aniyang makakapagsabi kung kailan matatapos ang pandemic na ito.
“Bakit humingi pa ng emergency powers ang presidente kung hindi rin naman niya ito gagamitin at pagbabayarin pa rin ang mga mamamayan para sa pagpapagamot at pagpapatest ng COVID-19?” tanong ng kongresista.
Binigyan diin ni Castro na mahalagang sagutin ng PhilHealth ang mga gastusin sa pagpapagamot upang sa gayong mapigilan pa lalo ang pagkalat ng sakit dahil mahihikayat ang mga infected na magpagamot kaagad.