Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng provisional authority o prangkisa para sa mga tradisyunal na jeepney habang pinag-iisipan ang mga pagbabago sa public utility vehicle modernization program.
Nangangahulugan ito na libu-libong mga tradisyunal na jeepney ang nananatili sa kanilang mga ruta.
Ang kanilang mga prangkisa ay dapat sana mag-expire sa katapusan ng Marso sa buong bansa at sa katapusan ng Abril sa Metro Manila upang bigyang-daan ang ganap na pagpapatupad ng programa.
Iaanunsyo ng board ang petsa ng bagong deadline sa lalong madaling panahon.
Nauna ng inihayag ni LTFRB central office, board chairman Teofilo Guadiz III na 60 porsiyento lamang ng target na bilang ng mga sasakyan para sa modernisasyon ang nakasunod sa mga kinakailangan sa ilalim ng programa tulad ng pagsasama-sama ng industriya sa mga kooperatiba, habang ang natitirang 40 porsiyento ay patuloy na bumibiyahe sa mga ruta gamit ang mga tradisyunal na jeepney.
Magugunitang nasa 85,000 tradisyunal na jeepney ang target ng LTFRB para sa modernisasyon noong unang magsimula ang programa, ngunit sinabi ng board na may mga pagbabago sa figure.
Nauna nang sinabi ng board na mayroong 25,000 tradisyunal na jeep na wala pa rin sa modernization program.