Mas nanaisin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bitay sa pamamagitan ng bigti o paggamit ng lubid para makatipid o kaya ay lethal injection ang paraan ng pagpapatupad ng death penalty o parusang kamatayan sa mga sangkot sa iligal na droga at plunder.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) kahapon, isinulong ni Pangulong Duterte ang pagpasa ng panukalang batas para buhayin ang Death Penalty Law sa mga karumal-dumal na krimen lalo ang may kinalaman sa iligal na droga at plunder.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa tono ng pananalita ni Pangulong Duterte kahapon sa kanyang SONA at panghihimok sa mga mambabatas na muling ibalik ang parusang bitay, hindi malayong sertipikahan nitong urgent ang death penalty bill na nakahain ngayon sa Senado.
Inihayag ni Sec. Panelo, sumagi sa isip ni Pangulong Duterte na muling buhayin ang death penalty dahil sa matinding problema pa rin ng bansa sa iligal na droga at ang walang humpay pa ring korupsyon sa gobyerno.