Abanse na sa dalawang panalo ang Phoenix Suns matapos na manalo sa isang puntos kontra sa Los Angeles Clippers sa Game 2 ng Western Conference Finals sa score na 104-103.
Naging makapigil hininga ang harapan ng dalawang magkaribal na team hanggang sa huling segundo.
Sa kabila na hindi pa rin naglalaro ang veteran point guard na si Chris Paul, nagpakitang gilas naman sa kanilang big-time performances sina Cameron Payne na may game-high 29 points at 9 assists habang sina Deandre Ayton ay nagpakawala ng 22 points at 14 rebounds at ang All-Star na si Devin Booker ay nagdagdag ng 20 points.
Masaklap naman ang pagkatalo ng Clippers na muntikan pa nilang maagaw sana ang Game 2.
Sa 30 segundo na nalalabi sa 4th quarter ay nagpalitan pa ng kalamangan ang dalawang teams.
Nasayang din ang ginawa ni Paul George na may kabuuang 26 points.
Medyo inalat pa si George sa huling sandali nang sumablay ang tiyansa na kanyang dalawang free throws at ang tangka na 3-pointer sa pagtatapos ng game.
Bago ito naging bayani naman si Ayton na siyang nagpanalo sa huling puntos ng Suns nang maipasok niya ang alley-oop shot na may 0.7 seconds ang nalalabi mula sa inbound pass ni Jae Crowder.
Ang naturang winning play ni Ayton ay naging trending dahil sa pambihirang pangyayari.
Samantala ang 2-time Finals MVP na si Kawhi Leonard ay hindi pa rin nakakalaro dahil sa injury.
Ang Game 3 ay gagawin na sa teritoryo ng Clippers sa Biyernes.
Ito ang ikatlong beses ngayong playoffs na lalaban sa 0-2 deficit ang Clippers.