-- Advertisements --

Hindi makakapaglaro ng isa hanggang dalawang buwan si Memphis Grizzlies forward De’Anthony Melton dahil sa umano’y stress reaction sa kanyang likod.

Ayon sa mga opisyal ng Grizzlies, inaasahan nilang makakabalik sa paglalaro ng basketball si Melton sa apat hanggang walong linggo.

Ang 6-foot-4 na si Melton ay sumalang sa 50 laro para sa Phoenix Suns noong nakalipas na season at naglista ng average na limang puntos, 3.2 assists, 2.7 rebounds at 19.7 minutes.

Nakuha ng Memphis ang 21-anyos na si Melton, maging si Josh Jackson at dalawang second-round draft picks, noong summer sa isang trade na nagpadala naman kina Kyle Korver at guard Jevon Carter sa Phoenix.

Kalaunan ay tinanggihan ng Suns si Korver, na pumirma na lamang ng kontrata sa Milwaukee Bucks.