LEGAZPI CITY – Naniniwala si Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na makakapasa sa committee level ang panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty.
Subalit posibleng magtagal aniya ang pagtalakay nito sa plenaryo lalo na sa tambak na petisyon na kakaharapin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, vice chairman ng House Justice Committee, karamihan aniya sa mga miyembro ng Kamara ang nagsasabi na hindi solusyon sa kriminalidad sa bansa ang hakbang.
Ayon kay Garbin, ang ‘real deterrent’ sa kriminalidad ay nakasalalay sa kasiguraduhan sa pag-aresto at maayos na prosekusyon.
Dagdag pa ng mambabatas na ipinangangamba ang posibilidad na hindi pa rin makuha ng mahihirap ang hustisya habang posibleng mapasailalim sa execution ang mga pinaniniwalaang ‘inosente’.
Abiso pa ni Garbin na ayusin muna ang law enforcement sa pulisya na kailangang magreporma gayundin sa iba pang pillars ng justice system kabilang na ang hudikatura at kontrobersyal ngayon na Bureau of Corrections (BuCor).