Nauwi sa mistulang Bible debate ang diskusyon ukol sa isinusulong na death penalty bill ni Sen. Manny Pacquiao sa plenaryo ng Senado.
Sa pagsalang kasi nito para mag-sponsor ng panukala, nagbanggit si Pacquiao ng ilang Bible verse ukol sa kapangyarihan ng estado na magpatupad ng mga kinakailangang aksyon, katulad ng pagpataw ng parusang kamatayan kung kinakailangan.
Tumayo naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon para magtanong, kung saan lalong naging matindi ang paghimay sa bill.
Ginamit kasi ni Drilon ang sinapit ng Panginoong Hesu Kristo para ipunto na maaaring magkamali sa pagpapataw ng parusang bitay.
Pero sinabi ni Pacquiao na sadyang ganito raw ang nakatakdang mangyayari kaya mahirap gawing halimbawa ang pagpako kay Kristo sa krus.
Maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay nagsabi na hindi palaging tama ang “Vox Populi, Vox Dei” dahil noon ay naging tinig ng nakararami na patayin si Hesus at palayain naman si Barabas.