Iginiit ni PNP chief Oscar Albayalde na hindi umano basta-basta maaaring magbitbit ng armas ang mga magiging miyembro ng bubuuing Sparrow unit ng gobyerno.
Kasunod na rin ito ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na balak nitong bumuo ng Sparrow unit bilang pantapat sa mga hitmen ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Albayalde na tanging mga “qualified individual” lamang ang papayagang magdala ng armas na mayroong license to own and possess firearms at permit to carry firearms outside residence.
Ayon kay PNP chief, dadaanan sa tamang proseso ang pagkakaroon ng baril sakaling lumikha ng “hit squad” ang gobyerno.
Una rito, nagpadala na ang PNP ng mga tropa sa mga lugar na malakas ang puwersa ng Communist Party of the Philippines (CPP) bilang tugon sa direktiba ng Pangulo sa mataas na kaso ng lawless violence sa ilang mga lugar sa bansa.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na direktiba ang PNP mula sa Malakanyang na may kaugnayan sa planong pagbuo ng Sparrow unit.