Pumalo na sa 18 ang bilang ng nasawi dahil sa epekto ng shear line sa Davao at Caraga region.
Sa latest situation report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, iniulat ng ahensiya na narekober ang 2 pang labi ng mga biktima mula sa Davao region.
Sa kabuuang bilang ng nasawi, 10 dito ang kumpirmado na habang kasalukuyang isinasailalim pa sa validation ang 8 indibidwal na nasawi na lahat ay mula sa Davao region.
Iniulat din ng ahensiya na 8 katao ang nasugatan dahil sa shear line na pawang mga residente sa Davao.
Sa kasalukuyan, kabuuang 191,376 pamilya o 847,237 indibidwal ang apektado na sa mahigit 400 barangay sa 2 rehiyon.
Kung saan nasa mahigit 400 indibidwal ang inilikas patungo sa evacuation centers habang nasa mahigit 6,000 naman ang pansamantalang nanunuluyan sa kanilang kamag-anak o kaibigan.
Samantala, pagdating sa damage assessment naman sa sektor ng imprastruktura sa Caraga at Davao region, pumalo na sa PHP27.05 million habang sa sektor naman ng agrikultura ay nasa PHP78.11 million.